Kitang-kita ngayon kung gaano karaming startup at maliliit na negosyo ang nagsisimula at patuloy na nagpapatakbo ng kanilang negosyo mula sa ginhawa ng kanilang tahanan. Gaano man ito kaginhawa, mahalagang isaalang-alang ang pagkakaroon ng ibang address para sa inyong negosyo bukod sa inyong personal na tahanan. Ang paghihiwalay ng inyong negosyo sa inyong personal na buhay at espasyo ay may malaking maitutulong sa organisasyon ng inyong kompanya at personal na buhay, sa privacy, at higit sa lahat, sa propesyonalismo.
PRIVACY
Ang privacy ay isa sa maraming mahahalagang isyung kailangang harapin ng isang negosyanteng nagpapatakbo ng kanyang negosyo sa loob ng kanyang tahanan. Pampubliko ang mga address ng negosyo, at dapat itong makuha hindi lamang ng inyong kasalukuyang mga kliyente kundi pati ng lahat ng maaaring ituring na inyong “potensiyal” na customer, at malamang na mas gusto ninyong panatilihing pribado ang inyong tahanan. Ang paggamit ng inyong address sa bahay bilang address ng negosyo ay nangangahulugang kailangan ninyong ilagay ang parehong address sa inyong mga business card, website, patalastas, at halos lahat ng bagay upang maipalaganap ang tungkol sa inyong negosyo. Nangangahulugan ito na alam ng publiko ang inyong address sa bahay, at halos sinuman ay maaaring makakuha ng impormasyong ito.
ORGANISASYON
Ang paghihiwalay ng inyong negosyo at ng inyong personal na tahanan at espasyo ay makatutulong sa inyong panatilihing maayos ang lahat. Wala sa inyong kontrol kung gaano karaming sulat ang matatambak sa inyong address. Isipin na lamang, kung may hiwalay kayong address para sa inyong negosyo, maaari ninyong pagsama-samahin ang lahat ng inyong dokumentong pangnegosyo at ihiwalay sa lahat ng inyong personal na dokumento. Makatitipid din kayo ng oras sa pagsusuri sa lahat ng sulat at sa isa-isang paghihiwalay at pag-aayos ng mga ito.
PROPESYONALISMO
Bagama’t hindi palaging tumatagal ang unang impresyon, mahalaga pa rin ang unang impresyon. Para sa mga kompanyang nais makipagtulungan sa inyo, para man sa isang kolaborasyon, o kunin ang inyong kompanya bilang vendor, hindi magbibigay ng magandang imahe ang pagbibigay sa kanila ng inyong address sa bahay. Sa katunayan, magbibigay ito sa kanila ng impresyon na maliit na negosyo lamang kayo at maaaring wala kayong kakayahang ibigay sa kanila ang mga serbisyo o produktong kailangan nila, lalo na kung tumaas ang pangangailangan. Sa pagkakaroon ng propesyonal na address ng negosyo, magkakaroon kayo ng bentahe na mapagmukhang mas opisyal at mapagkakatiwalaan ang inyong negosyo. Magpapakita ito ng imaheng nagsasabing matatag na kayo at ang anumang sulat na ipadala nila sa inyo ay aasikasuhin nang propesyonal at sasagutin nang mabilis.
Ang pagkakaroon ng propesyonal na address ng negosyo (at prestihiyoso pa), ay isa sa maraming hakbang na dapat ninyong isaalang-alang kung inihahanda ninyo ang inyong negosyo para sa malaking paglukso. Ang maliit na pagsisikap na humanap ng virtual office na nag-aalok ng prestihiyosong address ng negosyo ay maaaring malaki ang maitulong sa inyo sa katagalan.
Mar 21, 2018













