Nagtayo ang CEO SUITE sa Bangkok
Ang CEO SUITE, isang provider ng serviced office, ay namuhunan ng US$ 2.5 milyon upang magbukas ng center sa Bangkok, na nagbebenta ng mga outsourced na serbisyo sa espasyo ng opisina sa mga internasyonal na kumpanyang nagnenegosyo sa Tailandya. Ang centre na ito ang ika-10 nito sa rehiyon.
May kontrata ang kumpanya para sa pitong-taong lease ng isang lugar sa ika-23 palapag ng Athenee Tower, na pag-aari ng TCC Capital Land. Ang buong lugar ay 2,000 metro kuwadrado na hinati sa 53 kuwarto ng opisina, isang conference room at reception area, sabi ni Mee Kim, president at may-ari ng CEO SUITE.
Si Kim, isang Timog Koreana na may mahigit 20 taong karanasan sa larangang ito, ay naniniwalang mas gusto ng mga negosyante ngayon ang mga outsourced na opisina kaysa magtayo ng sarili dahil nais nila ng higit na kaginhawahan at oras upang makapagtuon lamang sa kanilang negosyo.
May senior management team ang kumpanya na may hindi bababa sa 20 taong karanasan sa negosyo ng serviced office, at magbibigay ito ng mga tauhan sa opisina, kabilang ang mga accountant, abogado, IT specialist, sekretarya at receptionist.
Binanggit ni Kim na pinili ni Bill Gates ng Microsoft na i-outsource ang opisina ng kaniyang kumpanya. Bukod sa Microsoft, ang Exxon Mobil, Dell Computer, Prada at BMW ay mga halimbawa ng mga kumpanyang mas gusto ang mga outsourced na opisina, dagdag niya.
“Gagawin naming mas madali para sa mga kustomer ang pagkakaroon ng opisina at pagnenegosyo sa Tailandya. Makapagbibigay kami ng business research kung gusto nila. Matibay ang aking paniniwala na ito ang trend ng pagnenegosyo sa ibang bansa. Sa ganitong paraan, mararamdaman nilang madali ang magnegosyo sa Tailandya at kung gusto nilang umalis, hindi ito magiging komplikado para sa kanila,” sabi niya.
Nilagyan ng kumpanya ng muwebles at dekorasyon ang buong lugar ng opisina at nagtayo ng pinakamakabagong imprastruktura sa teknolohiya. Sa kasalukuyan, 20 porsiyento ng mga paupahang lugar ang okupado. Sabi ni Kim.
“Tatlong internasyonal na kumpanya na ang umupa sa aming mga lugar ng opisina. Maganda ang naging tugon ng mga kliyente, kaya inaasahan kong mauupahan ang buong espasyo ng opisina sa loob ng anim na buwan,” sabi niya.
Inaasahan ni Kim na kikita ang kumpanya ng $2 milyon kada taon sa pagnenegosyo sa Tailandya at $20 milyon mula sa lahat ng sangay sa Asya, kabilang ang Jakarta, Singapore, Kula Lumpur, Shanghai, Beijing at Maynila. Tantiya niya na aabutin ng hindi bababa sa pitong taon bago maabot ang break-even point sa Tailandya.
Tinitingnan din ng kumpanya ang pagbubukas ng mga center sa Biyetnam at Dubai.













