Ang mga millennial, o ang mga ipinanganak sa pagitan ng 1980 at 2000, ay muling humuhubog sa lugar ng trabaho sa hinaharap. Mula sa kung paano at saan nila gustong magtrabaho, hanggang sa kung paano nila gustong pamahalaan, malinaw sa mga millennial ang uri ng kondisyon sa trabaho kung saan sila mangingibabaw. At may magandang dahilan kung bakit kailangan itong pansinin ng mga employer.
Bakit mahalaga ang mga millennial
Ang mga millennial ay isang bagong uri ng mga propesyonal at malikhaing tao na mahalaga sa pagpapatakbo ng tagumpay ng mga negosyo. Bagama’t ibang-iba ang kanilang mga mithiin sa karera kumpara sa mga nauna sa kanila, taglay ng mga millennial ang kaalaman at kasanayang teknolohikal na napakahalaga sa halos lahat ng uri ng negosyo. Ang pagkuha ng interes, at higit sa lahat, ang pagpapanatili sa mga millennial sa pangmatagalang trabaho ay maaaring maging mahirap, dahil iba ang gusto nila kumpara sa gusto ng Generation X. At isa sa mga susing salita ay flexibility.
Bakit mahalaga ang flexibility
Sa iba’t ibang pag-unlad sa teknolohiya na mayroon ngayon, mas marami nang opsyon ang mga propesyonal upang gawin ang kanilang trabaho at gawin ito nang mahusay. Mula sa malayuang pagtatrabaho mula sa bahay, sa pagtatrabaho nang flexible na oras, hanggang sa kung ano ang dapat na hitsura ng lugar ng trabaho, lubhang magbabago ang kapaligiran ng trabaho sa susunod na ilang taon upang tugunan ang nagbabagong takbong ito.
Ayon sa isang artikulo mula sa Forbes, pagsapit ng 2025, ang mga millennial ay bubuo ng 75% ng pandaigdigang workforce. Upang maghanda sa malaking pagbabagong ito sa workforce, may mga negosyo nang binabago ang kondisyon ng kanilang lugar ng trabaho.
Ang opisina ng hinaharap
Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa ng PwC, “ang mga opisina ay magiging mga lugar ng pagpupulong sa halip na isang takdang lokasyon para sa araw ng trabaho.” Bukod dito, napagpasyahan din ng pag-aaral na itinuturing ng mga millennial ang “trabaho bilang isang ‘bagay’ at hindi isang ‘lugar’.” Dahil sa impormasyong ito, magbabago rin ang disenyo ng mga opisina.
Sa isa pang artikulo mula sa Forbes magazine, sinasabi nito na sa susunod na 9 na taon, 41% ng pandaigdigang workforce ang mas pipiliing magtrabaho mula sa bahay at ito na ang magiging karaniwan. Kaya paano maaapektuhan ang disenyo ng opisina?
Mula sa tradisyonal na office space na may mga cubicle at nakasisilaw na ilaw kung saan inaasahang manatili ang mga empleyado nang 8-12 oras araw-araw, ang bagong ayos ng opisina ay magtatampok ng mas maluwag na kapaligiran, na dinisenyo nang may mas parang-tahanang pakiramdam at may ayos na nagtataguyod ng pagtutulungan ng magkakatrabaho.
Makikita ang isang halimbawa ng umiiral nang takbong ito sa mga serviced office provider at co-working space. Ang mga serviced at virtual office provider gaya ng CEO SUITE ay naglilingkod hindi lamang sa mga negosyo kundi pati na rin sa mga negosyante at propesyonal na nais ng flexibility sa paraan ng kanilang pagtatrabaho. Ang mga virtual office ay nagbibigay-daan sa mga propesyonal na magtrabaho nang malayuan at magkaroon ng business address, habang ang mga co-working space ay dinisenyo sa isang di-tradisyonal na ayos na naglalayong makamit ang sinerhiya sa mga propesyonal na magkakapareho ng pananaw.













