Kumpanya mula sa Jakarta, nagbukas ng $2-M na pasilidad sa Makati

Apr 26, 2013

SA PAGTAYANG mangangailangan ng mas maraming opisina ang mga negosyo sa Pilipinas, binuksan ng isang kumpanyang nakabase sa Jakarta na nagbibigay ng mga serviced workspace ang ikapito nitong center sa pangunahing financial district ng Metro Manila.

 

Nagkakahalaga ng $2 milyon, ang opisinang pinamamahalaan ng CEO SUITE ay may mga motion sensor na kumokontrol sa ilaw at air-conditioning at card tap technology para sa bawat isa sa isandaang workstation nito na nasa ika-37 palapag ng LKG Tower sa Makati City.

 

Ang CEO SUITE, na nagpapatakbo ng boutique-style na negosyo ng serviced office sa iba’t ibang lungsod sa Asya, ay nagpapahintulot sa mga indibidwal na gamitin ang mga kuwarto bilang opisina o pormal na lugar ng trabaho.

 

Naniningil ang kumpanya ng P12,000 hanggang P40,000 kada buwan para sa paggamit ng isang workstation – isang mesa, isang upuang katad, isang desk lamp, mga itim na lalagyan ng panulat at paper clip – sa isang kuwartong may karpet mula pader hanggang pader.

 

Bukod sa kakayahang magbigay ng serbisyong pangsekretarya, nag-aalok din ang CEO SUITE, na nagsasabing ito ang eksperto ng Asya sa industriya ng serviced office, ng fixed-line na komunikasyon at wireless na koneksiyon sa internet.

 

“Ang mga taong mangangailangan ng ganitong uri ng serbisyo ay ang mga nagsisimula ng negosyo at nangangailangan ng isang kilala at napakasopistikadong opisina nang hindi dumaraan sa abala ng paghahanap ng espasyo rito sa Makati, [tulad ng] pag-aaplay ng linya ng telepono, at ang nakapapagod na mga gawaing kaakibat ng proseso ng pagsisimula,” sabi ni Ems Llanes, ang country manager ng kumpanya, sa Business Mirror.

 

Samantala, sinabi sa mga reporter ni Joseph Siswanto, co-owner at asawa ng president ng CEO SUITE na si Mee Kim, na ang mga dayuhang mamumuhunan na nagsasagawa ng pananaliksik sa Pilipinas ay “maaaring mangailangan ng business center” habang bukas pa ang kanilang mga opsiyon hinggil sa pamumuhunan sa bansa.

 

“Maaaring magpasya sila sa bandang huli na may mga oportunidad dito. Kaya iniuugnay namin sila sa iba pang ahensiya tulad ng CB Richard Ellis (CBRE) kung kakailanganin nilang bumili o umupa ng espasyong pangnegosyo sa mas mahabang termino,” sabi ni Siswanto. Idinagdag niya na ang kanilang mga kustomer na hindi pa handang mamuhunan sa bansa ay “hindi na kailangang mag-alala tungkol sa isang kontrata ng lease na may anim o higit pang buwan pang natitira.”

 

Gayunman, naniniwala si Siswanto na aangat ang merkado dahil sa double-digit na paglago sa lokal na sektor ng ari-arian. Sinabi rin niya na seryosong pinag-aaralan ng kumpanya ang pagtatayo ng mga pasilidad sa Cebu City.

“Nasa Pilipinas ako nang pumutok ang property bubble sa rehiyon at nakikita ko ang ibang, mas masiglang demand sa merkado makalipas ang isang dekada,” sabi ni Siswanto.

 

Nauna rito, sinabi ng property broker na CBRE na bumaba ang bakante sa Makati central business district sa pinakamababa sa loob ng sampung taon na 1.3 porsiyento mula sa double-digit na antas mula nang tamaan ng krisis sa Asya ang industriya ng real estate sa rehiyon ng Asia-Pacific isang dekada na ang nakalipas.

 

Ayon sa CBRE, lumaki nang husto ang demand sa espasyo ng opisina at negosyo kaya naghahanap na ang mga mamumuhunan at developer sa labas ng Makati ng mga lugar na maaaring i-develop para sa mga kumpanyang nasa business process outsourcing.

 

Bukod sa Maynila, namamahala rin ang CEO SUITE ng mga serviced office sa Singapore, Beijing, Shanghai, Jakarta, Bangkok, at Kuala Lumpur.